LEGAZPI CITY – “Challenging times of faith” kung ituring ng isang Pilipinong pamilya sa New York ang pagpositibo ng lahat ng miyembro sa coronavirus disease.
Ibinahagi ni Pastor Nathaniel Palma, tubong Isabel, Leyte sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi ang pagpositibo ng asawa nito, anak na 2-anyos at mismong ang Pastor sa COVID-19.
Unang nakitaan ng sintomas noong Marso 19 ang asawang nagtatrabaho sa nursing home habang anim na araw lamang ang nakakalipas nang makitaan rin ng lagnat at sore throat si Palma at anak.
Dahil sa matinding ubo na unang inakala na kaugnay ng asthma, isinugod pa sa emergency room ang kaniyang asawa.
Bukod sa masidhing panalangin sa Panginoon, malaking tulong rin umano ang “steam inhalation”ng pinakuluang tubig at asin, lemon at luya sa kanilang recovery.
Sa ngayon, balik na sa trabaho ang asawa nito habang maayos na rin ang lagay ni Pastor at kanilang anak.
Naglagay na rin ng divider sa sasakyan ang pamilya upang maiwasan ang close contact sa asawang madalas na nasa labas at mahigpit rin ang pagsunod sa pag-disinfect.
Hindi rin nito nakaligtaan na pasalamatan ang mga kamag-anak sa Pilipinas at mga kaibigan na nanalangin at nagpadala ng mensahe na nagbibigay ng lakas ng loob upang malabanan ang nakamamatay na sakit.