LEGAZPI CITY- Nakakuha na ng apat na gintong medalya at dalawang silver medals ang Probinsya ng Sorsogon sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2024 sa Cebu City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rex Barbin, ang Sports Division Coordinator ng DepEd Sorsogon, nasungkit ng lalawigan ang apat na ginto sa Long Jump, Triple Jump, 100m dash at 50m breastroke.
Habang, dalawang silver naman sa 200m breastroke at Shot Put Elementary Boys.
Dalawa naman ang bumasag ng record sa Long Jump at 50m breastroke.
Ayon sa opisyal, malaki aniya ang improvement ng mga atleta ngayong taon kung ikukumpara noong Palarong Pambansa 2023 dahil natutukan at nabigyan ng sapat na panahon na makapagsanay.
Sinabi pa nito na nakadagdag rin sa motibasyon ng delegasyon ang ipinangakong incentives ng Sorsogon Provincial Govertment sa mga atleta na makakapagbulsa ng medalya sa palaro.
Makakatanggap ng P50,000 ang mga bronze medalists; P75,000 naman sa mga silver medalists; at tumataginting na P100,000 para sa mga gold medalists.
Samantala, sa pinakahuling partial and unofficial result ng Palarong Pambansa 2024 kaninang alas-11 ng umaga, nakakuha na ng nasa labing-dalwang medalya ang Bicol region sa nasabing palaro.