LEGAZPI CITY – Naglunsad ng skills training ang Department of Trade and Industry upang matulongan ang mga mangingisda sa lungsod ng Legazpi na magkaroon ng dagdag na kabuhayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Trade and Industry Albay Provincial Director Noel Bunao, may mga mangingisda sa lungsod ang namomroblema sa hindi nauubos na huling isda na nasasayang lamang.
Dahil dito, nakipagtulongan ang ahensya sa Department of Education upang maturuan ang mga mangingisda kung papano gagawing fish lumpia, fish crackers at siomai ang mga nahuhuli nilang isda.
Magagamit umano ang kaalaman na ito upang makagawa ng bagong produkto na hindi agad masisira.
Maganda naman ang naging takbo ng training kung saan desidido ang 15 benipisyaryo ng programa na matuto.
Plano naman ngayon ng ahensya na tulongan pa ang mga mangingisda sa packaging, marketing at paghahanap ng kapital para sa paggawa ng kanilang mga produkto.