Naghain si Senador Robin Padilla ng panukalang batas na naglalayong ibaba ang minimum age of criminal liability para sa mga menor de edad na sangkot sa mga karumal-dumal na krimen.
Sa ilalim ng iminungkahing batas, ang mga batang may edad 10 hanggang 17 taong gulang ay maaari na ngayong kasuhan ng criminal offenses kung mapapatunayang sangkot sila sa mga lubhang brutal na krimen tulad ng parricide, murder, infanticide, robbery with homicide, rape, at mga krimen na may kaugnayan sa ilegal na droga sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Sinabi ni Padilla na hindi na nararapat na tingnan ang kabataan bilang inosente sa lahat ng panahon, lalo na sa kasalukuyang panahon na marami sa kanila ang lalong nalalantad sa social media, internet, at iba pang makabagong impluwensya na nakakaapekto sa kanilang pag-uugali.
Nilinaw din ni Padilla na ang layunin ng batas ay hindi para parusahan ang lahat ng bata, bagkus ay protektahan ang publiko at bigyan ng babala ang mga kabataan na mayroon na silang obligasyon at responsibilidad sa kanilang mga aksyon, lalo na kapag nakakapinsala sila sa buhay ng iba.