LEGAZPI CITY-Inamin ni Sen. Erwin Tulfo na nasaktan siya sa naging boto ng tatlo niyang kapwa senador na pabor sa petisyong naglalayong patalsikin siya sa puwesto.

Nangyari ito matapos na ibasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang mosyon para muling pag-isipan ang nauna nitong desisyon na ibasura ang quo warranto petition laban kay Tulfo kaugnay ng mga alegasyon sa kaniyang citizenship at iba pang batayan.

Nasa anim na miyembro ng SET ang bumoto para tanggihan ang mosyon, habang tatlo ang bumoto laban dito.

Ipauubaya na umano ng senador sa Diyos ang nangyari, bagama’t aminado siyang nasaktan siya dahil dalawa sa tatlong senador ay malapit sa kaniya, lalo na ang isa na aniya ay niyayakap at nakakamayan niya at halos magkatabi lamang ang kanilang mga opisina.

“Alam mo, ipapasa-Diyos ko na lang ’yan. Medyo nasaktan lang ho ako,” ang naging pahayag ni Tulfo.