LEGAZPI CITY—Bagama’t walang namamataan na mga malulubhang aktibidad ang Bulkang Mayon maliban sa kasalukuyang pamamaga nito ay patuloy pa rin na binabalaan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ang publiko na maging handa at alisto dahil sa posibleng banta ng pagputok ng naturang bulkan.


Ayon kay PHIVOLCS Chief-Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Mariton Bornas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na kumpara noong mga nakaraan kung saan umaabot sa siyam hanggang sampung taon bago ito pumutok, ay ma-oobserbaran aniya na inaabot na umano ito sa kasalukuyan ng tatlo o limang taon bago muling pumutok.


Dahil din sa panahon ng amihan lalo na kapag may malalakas na pag-ulan ay may panganib pa rin sa lahar flow, rockfall events, at mga bagong materyales na nasa tuktok ng bulkan partikular na sa bahagi ng Miisi at Bonga gully.


Dagdag ni Bornas na dapat maging mapagmatyag sa mga aktibidad at nakahanda ang mga nakatira sa timog na bahagi ng bulkan, lalo na ang mga komunidad na inilikas noong nasa Alert Level 3 ito at pumutok noong taong 2023.


Binigyang-linaw ng opisyal na huwag mag-panic dahil nagbibigay rin ng mga senyales ang bulkan tungkol sa sitwasyon nito gayundin na nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang monitoring ng kanilang ahensya.