LEGAZPI CITY-Ikokonsidera ng Public Safety Office (PSO) ang pagdaragdag ng mga tauhan sa ilang barangay at provincial roads sa Legazpi City para ma-monitor ang mga dumadaang trak na may mabibigat na kargada.
Ayon kay PSO Legazpi Chief Octavio Rivero, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, patuloy ang kanilang clearing operation at kailangan nilang magdagdag ng humigit-kumulang 10 tauhan para mamonitor ang mga trak na dumadaan sa mga restricted areas sa lungsod.
Dagdag pa ng opisyal, ang mga nagmamaneho ng trak tulad ng 6 wheelers kahit empleyado pa sila ng city hall ay bibigyan ng ticket at mahigpit na ipinagbabawal na dumaan sa mga lugar na ito dahil sa siksikan at nakikitang mga gitak sa mga kalsada dahil sa bigat ng mga dumadaang truck.
Aniya, maaari ding humiling ng permit sa city engineering at may mga oras para makapasa ito mula 6:00 hanggang 9:00 ng umaga at mula 1:00 hanggang 4:00 ng hapon.
Pinaalalahanan ng opisyal ang mga motorista na mag-ingat dahil madalas ang aksidente at kadalasang nasasangkot ang malalaking trak sa aksidente.