
LEGAZPI CITY – Nakukulangan ang grupo ng mga magsasaka sa inilaan na pondo ng gobyerno sa Department of Agriculture para sa proposed 2026 national budget na umaabot lamang sa P239.2B.
Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi maikakaila na mas maliit ang pondo ng sektor ng agrikultura kumpara sa panukalang budget ng Department of Public Works and Highways na P881.3 bilyon.
Binigyang-diin niya na dapat tiyakin ng gobyerno na hindi bababa sa 10% ng kabuuang 2026 budget ang nakalaan sa kanilang sektor upang matiyak ang pagbili ng bigas, post harvest facilities, at production subsidies sa mga magsasaka.
Paliwanag niya, kailangan ang subsidya dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga kagamitan sa produksyon kung saan aabot na sa P60,000 ang kailangan ng isang magsasaka para sa isang ektarya ng lupang sakahan.
Sinabi ng opisyal na kailangang dagdagan ang pondo ng sektor ng agrikultura dahil walong piso hanggang P10 kada kilo lamang ang presyo ng palay at kung minsan ay hindi ito nabibili lalo na kung nasisira ito ng masamang panahon.
Dapat aniyang bigyang-priyoridad ang pagbibigay ng solusyon sa mga problema ng mga magsasaka upang hindi na sila mabaon sa utang at makakalikha din ito ng trabaho upang sa gayon ay hindi mapilitan ang kanilang mga anak na pumunta sa Maynila upang magtrabaho.
Hindi kailanman kailangan ng mga magsasaka na maging benepisyaryo ng ‘Benteng Bigas Meron Na’ program ngunit dapat nilang maibenta ang kanilang inaning palay sa halagang hindi bababa sa P20 kada kilo.
Idinagdag ni Estavillo na ang mga polisiya ng kasalukuyang administrasyon mula sa P20 rice program hanggang sa pagtaas ng Rice Competitiveness Enhancement Fund ay hindi umaayon sa pangangailangan ng mga ordinaryong Pilipino dahil nananatiling mataas ang bilang ng mahihirap na pamilya sa bansa.