LEGAZPI CITY – (Update) Hindi inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad na muling maulit ang crater glow o banaag na nakita sa tuktok ng Bulkang Mayon.
Ito ay kasunod ng dalawang araw nang namataan na banaag sa bulkan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs Director Usec. Renato Solidum, hanggang may natitira aniyang mainit na gas sa ibabaw ng bulkan, patuloy ring makikita ang crater glow.
Paliwanag ni Solidum, ang nakikitang ilaw sa bunganga ng bulkan ay indikasyon ng mainit na magmatic gas sa ibabaw.
Sa kasalukuyang Alert Level 2 status sa Mayon, posible pa ayon kay Solidum ang mga pagputok subalit babantayan lamang kung magmatic eruption.
Pinawi naman ni Solidum ang pangamba ng mga kababayan dahil wala pa namang aniyang sapat na volcanic quakes at iba pang parametro na indikasyon ng magmatic activity.