LEGAZPI CITY- Nakitaan ng pagtaas o pagdami ng mga binabantayang mga parametro ang Bulkang Bulusan sa probinsya ng Sorsogon.
Ito ang dahilan sa naging desisyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na itaas na sa Alert Level 1 ang status ng bulkan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas, Chief of Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS, tumaas ang carbon dioxide na binubuga ng bulkan at lumagpas din baseline ang naitalang volcanic earthquakes, kung saan sa loob ng nakalipas na 24 oras, umabot sa 21 mga pagyanig ang naitala kung saan karamihan ay volcano tectonic quakes.
Maliban dito, namonitor ng ahensya ang pamamaga sa palibot nito partikular na sa bahaging Hilagang kanluran at Timog-kanluran.
Dahil sa nabanggit na mga parametro mas tumataas din umano ang posibilidad na magkaroon ng phreatic o steam-driven eruption ang bulkang Bulusan.
Kaugnay nito, binigyang diin ng opisyal ang rekomendasyon na iwasan ang pagpasok sa loob ng 4 km permanent danger at pinaghahanda rin ang mga residente sa posibilidad ng pagputok ng bulkan.
Kung matatandaan karaniwang phreatic eruption ang uri ng pagputok ng bulkang bulusan kagaya nang naranasan noong Hunyo 12, 2022, at nang 2010.