LEGAZPI CITY – Umaasa ang senador na naglabas ng exposé sa “Pastillas scheme” na maraming kakabit na isyu pa ang matutukoy sa nagpapatuloy na crackdown sa illegal POGOs.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Senator Risa Hontiveros, imbes na investment ang maganap, nagiging “invasion” na ng mga illegal POGO workers na ang nangyayari sa bansa.
Idagdag pa ang naibunyag na P50 billion unpaid taxes ng mga illegal operators at mapait na epekto dahil sa talamak na human trafficking, prostitusyon, korapsyon, sexual harassment at iba pang syndicated crimes.
Welcome development naman para kay Hontiveros ang hakbang ng Department of Justice (DOJ) at iba pang enforcement agencies na maimbestigahan ang nasabing isyu.
Anuman ang resulta ng imbestigasyon, nilalayon ng senador na maisulong ang pagtatama sa mandato ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Nais rin nitong mapigilan ang hakbang sa pang-aabuso sa immigration processes nang hindi na makabiktima pa ng mga kababaihan at kabataan dahil sa POGO industry.