LEGAZPI CITY—Mahigit P698 milyon na ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa anim na lalawigan ng Bicol region kasunod ng pananalasa ng Bagyong Opong.
Ayon kay Department of Agiculture Bicol Spokesperson, Love Guarin, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 36,326 na magsasaka at mangingisda rin ang naitalang apektado ng bagyo mula sa lahat ng lalawigan ng rehiyon.
Dagdag pa ni Guarin, 90% nito ay mula sa lalawigan ng Masbate kung saan 33,685 magsasaka ang apektado at P644 milyon ang naitalang pinsala.
Samantala, pagdating sa produktong palay, nasa P103 milyon ang pinsalang naitala at 3,353 ektarya ang naapektuhan sa limang lalawigan; habang sa Masbate, umabot sa P74 milyon ang pinsala sa palay at 2,000 ektarya ang apektado.
Ayon sa opisyal, malaki rin ang pinsala sa pangingisda na aabot sa P189 milyon at 2,605 na mangingisda ang naapektuhan.
Tinatayang nasa P107 milyon ang pinsala sa mga niyog na mula sa Masbate.
Samantala, P226 milyon ang pinsalang naitala sa mga high value crops at 158 magsasaka ang apektado mula sa Masbate.
Sa mga livestock, umabot din sa kabuuang P5 milyong pinsala ang naitala sa Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, at Masbate.
Aniya, nasa P30 milyon ang pinsala sa irigasyon sa Masbate.
Samantala, nagpaabot na rin ng tulong ang DA, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine Coconut Authority sa mga apektadong mangingisda at magsasaka sa rehiyon na naapektuhan ng nakaraang bagyo.