LEGAZPI CITY- Muling iginiit ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na walang kinalaman ang matinding init ng panahon na nararanasan sa bansa sa aktibidad ng mga aktibong bulkan.
Ito ay kaugnay ng lumalabas na mga impormasyon na isa umano sa sanhi ng eruption na nangyari sa Bulkang Kanlaon ay ang mataas na heat index.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Teresito Bacolcol sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nasa ilalim ang source ng aktibidad ng bulkan kaya wala itong kinalaman sa klima at temperatura.
Sinabi ng opisyal na mayroong tatlong scenario na binabantayan ngayon ang ahensya kabilang na ang monitored parameters dahil kung magpapatuloy ito ay maaaring magkaroon ng phreatic eruptions at pagsabog tulad ng nangyari kahapon.
Kung sakaling lumala naman aniya ang mga parametro ay maaaring magkaroon ng magmatic eruption habang ang ikatlong scenario na binabantayan ay ang paghupa ng aktibidad ng bulkang Kanlaon sa mga susunod na araw.
Ayon kau Bacolcol na kung huhupa ang aktibidad ng bulkan ay posibleng muling ibaba ang alerto nito mula sa alert level 2 patungo sa alert level 1.
Matatandaan na simula noong 1866 ay isang beses pa lamang itong nagkakaroon ng magmatic eruption at naglabas ng lava.
Samantala, patuloy na pinag-iingat ng opisyal ang publiko at pinaalalahanan na iwasan ang pagpasok sa 4km permanent danger zone dahil sa banta ng naturang bulkan.