LEGAZPI CITY—Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) sa posibleng phreatic eruption ng Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon matapos ang naobserbahang pagtaas ng seismic activity nito mula noong Oktubre 11.
Ayon kay Bulusan Observatory Resident Volcanologist April Dominguiano, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nananatiling nasa Alert Level 1 ang bulkan ngunit sa kabilang banda ay na-obserbahan din ang pagtaas ng tsansa ng steam-driven o phreatic eruption na maaaring mangyari nang biglaan o walang babala sa crater o sa active vents nito.
Aniya, ang mga naitatalang volcanic earthquakes ay nauugnay umano sa shallow thermal activity na nagaganap sa ilalim ng Bulkang Bulusan.
Dagdag pa ni Dominguiano na sa kasalukuyan ay wala silang nakikitang direktang epekto ng tectonic earthquakes sa behavior ng naturang bulkan.
Sa kasalukuyan, wala rin umano silang napapansing kakaibang kilos o tunog na maaaring nagmumula rito mula nang maglabas sila ng advisory noong Oktubre 12 hinggil sa pagtaas ng seismic activity nito.
Samantala, nagsagawa na rin aniya ng pagpupulong ang kanilang opisina sa lahat ng Disaster Risk Reduction and Management Offices ng lalawigan noong Lunes, Oktubre 13, hinggil sa paghahanda kung sakaling sumabog ang Bulkang Bulusan.
Pinaalalahanan din ng DOST-PHIVOLCS ang mga lokal na pamahalaan at publiko na huwag pumasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone at maging maingat sa pagpasok sa 2-kilometer Extended Danger Zone sa southeast sector ng bulkan.
Pinag-iingat din ni Dominguiano ang mga residenteng malapit sa ilog dahil sa banta ng sediment-laden stream flows at lahar sakaling bumuhos ang malakas na ulan sa panahon ng pagsabog ng nasabing bulkan.