LEGAZPI CITY – Mahigpit pa rin na nakamonitor ang Philippine Institute of Volcanology and Seosmoloy sa nagpapatuloy na abnormalidad ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon at Bulkang Mayon sa Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas, Chief ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng Philippine Istitute of Volcanology and Seismology, mababa na ang mga naitatalang volcanic earthquake sa Bulkang Mayon kung saan isa na lang bawat araw gayundin ang rockfall event.
Subalit hindi pa pwedeng magpakakampanti ang tanggapan dahil nananatiling mataas ang naitatalang sulfur dioxide emission na umaabot pa sa mahigit 2,300 tons bawat araw.
Habang ang Bulkang Bulusan naman ay nagkaroon ng pagtaasng bilang ng mga naitatalang volcano-tectonic earthquake na umaabot sa mahigit 90, batay sa pinakahuling datos.
May pagbaba naman sa ibinubugang sulfur dioxide na nasa 200 tons bawat araw subalit nananatili pa rin ang pagtaas ilang parametro.
Samantala, mayroon pa rin na ground deformation o pamamaga sa naturang mga bulkan.
Ayon kay Bornas, nangangahulugan lang ang naturang mga parametro ng dalawang bulkan na nananatiling mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng phreatic eruption anumang oras.
Aniya, ito ang rason kung bakit hindi pa ibinibaba ang alerto ng Bulkang Mayon na nasa Alert Level 2 habang nasa Alert Level 1 naman ang Bulkang Bulusan.