LEGAZPI CITY—Hindi isinasantabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ang posibilidad ng panibagong pagsabog ng Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon.
Matatandaang may naitalang phreatic eruption sa nasabing bulkan, noong Lunes, Abril 28, 2025, kung saan itinaas ito sa Alert Level 1.
Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi dapat maging kampante ang mga residente dahil may posibilidad ng panibagong phreatic o steam-driven eruption ang nasabing bulkan.
Binigyang-diin din ng opisyal na kaakibat din ng pagsabog ang volcanic hazards katulad ng pyroclastic density currents (PDCs), ballistic projectiles, rockfall, avalanches, volcanic gas, at ashfall sa loob ng Permanent Danger Zone (PDZ).
Samantala, nagbabala ang opisyal sa publiko na iwasang pumasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) gayundin sa 2-kilometer Extended Danger Zones sa Southeast sector, dahil sa posibleng panganib na dulot ng bulkan.