
LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na magpapatuloy ang strombolian activity at lava fountaining ng Bulkang Mayon habang nananatili ito sa alert level 3.
Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi nila isinasantabi ang posibilidad na mas tataas ang naitatalang pagbuga ng lava lalo na kung magiging aktibo ang lava intrusion.
Kung biglang tumahimik umano ang aktibidad ng bulkan habang mayroon pa itong lava o ang tinatawag nilang “seismic lull”, maaari itong magdulot ng explosive eruption na magtataas sa alert level nito sa alert level 4 ngunit malabong mangyari ito sa kasalukuyan.
Inaabangan din nila ang mga posibleng indikasyon na ipapakita ng Mayon na magkakaroon ito ng pagsabog tulad ng lava, pyroclastic density currents (PDCs) o uson, sulfur dioxide emission, at mga rockfall event.
Sinabi rin ng opisyal na batay sa kanilang monitoring, ang bulkan ay nakapagtala ng 539 volcanic earthquakes ngunit hindi dapat mag-alala ang publiko dahil itinuturing lamang nila itong “shallow” o mababaw na pagyanig dahil sa mga strombolian events.
Muling iginiit ni Bornas na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan habang pinapayuhan ang publiko na sundin ang mga patakarang ipinapatupad ng lokal na pamahalaan para sa kanilang kaligtasan.










