LEGAZPI CITY – Nasa France na sa ngayon ang anim na Pilipinong para-athletes para sa Paris 2024 Paralympic Games na magsisimula sa Agosto 28 hanggang Setyembre 8.
Kahapon ng makarating sa bansa ang mga atleta na personal na sinalubong ni Philippine Ambassador to France Junever Mahilum-West kasama ang mga miyembro ng media at iba pang mga Pilipino.
Hindi maiwasan ng ilang para-athletes na maging emosyonal sa suportang ipinapakita ng mga Pilipino sa kanilang pagsabak sa prestihiyosong kompetisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Angel Otom ng para swimming, sinabi nito na ibibigay niya na ang lahat ng makakaya upang makapag-uwi ng medalya at karangalan sa Pilipinas.
Inspirasyon umano nito ang suporta ng mga Pilipino at ang dalawang gold medals na naiuwi ni Carlos Yulo upang mas pagtibayan pa sa kompetisyon.
Mananatili muna ang mga Pinoy para-athletes sa Athletes village upang sumailalim sa 10 araw na training camp.
Maliban kay Otom, kasama pa sa mga nagrerepresenta ng Pilipinas sa Paris 2024 Paralympic Games sina Jerrold Mangliwan at Cendy Asusano ng para athletics; Ernie Gawilan sa para swimming; Alain Ganapin sa para taekwondo; at Agustina Bantiloc ng para archery.