LEGAZPI CITY – Nagpalabas na ng advisory ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa lalong tumataas na aktibidad ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon na kasalukuyang nasa Alert level 0.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas ang Volcano Monitoring and Erruption Prediction Division Chief ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, sa nakalipas na linggo, mula noong Oktubre 14, umaabot na sa 87 mga volcanic earthquakes ang naitatala sa paligid ng bulkan.

Nakakapagtala rin ng degassing o ang pagsingaw ng gas mula sa bunganga nito habang patuloy pa rin ang pamamaga sa Timog na bahagi ng Bulkang Bulusan.

Indikasyon umano ito na tumataas pa ang aktibidad bulkan at may posibilidad na magkaroon ng phreatic erruption.

Mahigpit ang payo ng ahensya sa mga lokal na gobyerno na pagbawalan ang pagpasok ng mga residente sa 4km danger zone ng bulkan habang bawal rin ang pagdaan ng mga eroplano malapit sa bunganga nito.