LEGAZPI CITY- Siniguro ng Philippine Army na hindi tumitigil ang kanilang hanay sa pagsasagawa ng combat operations laban sa mga rebeldeng grupo sa kabila ng pagiging abala sa pagpapaabot ng asistensya sa mga apektado ng aktibidad ng Bulkang Mayon.

Ayon kay 9th Infantry Division Public Affairs Office chief Major Frank Roldan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ay kasunod pa rin ng magkakasunod na engkwentro na naitatala sa ilang mga lalawigan.

Aniya, dapat na masiguro na hindi magkakaroon ng pagkakataon na makalapit ang mga rebeldeng grupo sa mga evacuation centers sa Albay lalo pa at libo-libong mga residente ang nananatili rito. Dagdag pa ng opisyal na sinisiguro rin ng kanilang hanay na hindi magkakaroon ng pagkakataon ang mga ito na tambangan ang mga sundalo na nagsasagawa ng relief operations sa mga evacuees.

Nabatid kasi, na naglalatag ang Philippine Army ng mga military doctors at iba pang personnel sa mga evacuation centers upang matutukan ang kalusugan ng mga evacuees at makapaghatid na psychosocial support sa mga ito.

Samantala, ikinagalak naman ni Roldan ang magkakasunod na pagsuko ng ilang mga rebelde sa lalawigan ng Sorsogon upang magbalik loob sa pamahalaan.