LEGAZPI CITY- Agaw atensyon ang pedestrian lane sa bayan ng Bacacay na pinintahan ng rainbow color bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Pride Month ngayong Hunyo.
Mga miyembro ng grupong Bacacay Pixie SAGA-Sexuality and Gender Alliance na binubuo ng mga lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, questioning, intersex at asexual o LGBTQIA+ ang nagpinta ng pedestrian lane.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa Pangulo ng grupo na si Wendy Barotilla, ginawa nila ito na may pagpayag ng alkalde at mga opisyal ng Bacacay sa pamamagitan ng inilunsad na isang resolusyon.
Layunin nito na maipakita ang pakikiisa ng bayan sa pagsusulong ng karapatan ng lahat ng kasarian.
Umaasa si Barotilla na marami pang mga lugar sa Pilipinas ang tanggap ang kanilang komunidad at pantay ang pagtrato sa lahat.
Makikita ang rainbow colored na pedestrian lane sa harap ng Municipal Hall at Municipal Plaza ng Bacacay.