LEGAZPI CITY – Mas ramdam pa ang pagliit ng kita ng mga nasa sektor ng transportasyon.
Reaksyon ito ng grupong PISTON matapos ang panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo epektibo ngayong Martes, Hunyo 28.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PISTON National President Mody Floranda, naubos lamang ang buwan ng Hunyo na pataas ang presyo kaya’t apektado hindi lamang ang mga Public Utility Jeepney (PUJ) kundi ang buong pampublikong transportasyon.
Daing rin na mula Enero 2022, mas malaki ang ipinatupad na pagtaas sa mga presyo kaysa rollback.
Tinitingnan ni Floranda na isa ito sa mga hamon na dapat maresolbahan ng papasok na administrasyon ni President-elect Bongbong Marcos.
“Hamon natin ito sa incoming President na uupo ng June 30…na dapat ay kagyat na rebisahin ang mga probisyon sa usapin sa produktong petrolyo.”
Sa abiso ng mga oil companies, nagtaas ng P1.65 sa kada litro ng diesel, P0.50 sa kada litro ng gasolina at P0.10 sa kada litro ng kerosene.