LEGAZPI CITY – Umakyat pa sa anim ang mga naitalang namatay sa Bicol dulot ng nararanasang sama ng panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of Civil Defense Bicol spokesperson Gremil Naz, dalawa sa mga namatay ay mula sa Camarines Sur, dalawa sa Catanduanes, isa sa lungsod ng Naga asin isa rin sa Sorsogon.
Pagkalunod ang ikinamatay ng naturang mga indibidwal dahil sa matinding pag-ulan at pagbaha habang ang iba naman ay tinangay ng malakas na alon matapos na maligo sa dagat at mangisda.
Pinakahuling natagpuan ay ang isang lalaking kinilala na si Geover Gaviño na nalunod at nawala matapos na maligo sa isang beach resort sa Barangay San Rafael, Santa Magdalena, Sorsogon.
Bangkay na ito ng makita sa baybayin ng Barangay Resureccion, San Fernando sa lalawigan ng Masbate.
Positibo itong kinilala ng mga kamag-anak batay sa katawan at short na huling suot nito.
Sa ngayon 10 indibidwal pa ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad kasama na ang pitong mangingisda na matagal ng hinahanap mula sa Catanduanes, dalawa sa Camarines Norte at isa sa Camarines Sur.
Nakahinga naman ng maluwag ang mga kamag-anak ng tatlong nawawalang mangingisda sa lungsod ng Tabaco sa Albay matapos maiulat na ligtas ang mga ito at kasalukuyang naka-shelter sa Mercedes, Camarines Norte.
Napag-alamang apat na araw at limang gabing nanatili ang mga ito sa kalagitnaan ng karagatan matapos abutan ng sama ng panahon at tanging natunaw na yelo na lamang ang iniinom para maka-survive.