LEGAZPI CITY – Tinawag ng Pasang Masda na ”fluff” o hindi naging matagumpay ang ikinasang nationwide transport strike ng grupong Manibela kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pasang Masda President Obet Martin, hindi umano naramdaman saan mang bahagi ng bansa ang tigil-pasada dahil iilan lang ang nakilahok.
Lalo pa’t hindi kailanman aniya makikilahok ang ”Magnificent 7” na binubuo ng iba’t-ibang transport group sa ganitong mga hakbang na makakaapekto sa nakararami.
Binigyang diin ni Martin na ang mga lehitimong lider ay tanging iniisip lamang ang ikabubuti at kapakanan ng publiko.
Sinabi pa nito na matatawag na ‘destructive leader’ ang pinuno ng Manibela dahil pansariling interes lang ang iniisip at hindi ang kapakanan ng nakararami.
Ayon kay Martin, wala pa umanong nagawang mabuti ang naturang transport group kundi perwisyo sa hanapbuhay ng mga kapwa driver, mga commuters at sa gobierno na hindi naman dapat nangyayari.
Naniniwala ito na pwede namang idaan ang kinakaharap na mga isyu sa maayos na pakikipag-usap sa mga kinauukulang ahensya upang mapayapa na masolusyunan ang problema ng walang naaapektuhan.
Kaya imbes na makisabay sa tigil-pasada, nakipag-usap na lang ang ‘Magnificent 7’ sa Department of Interior and Local Government upang ilapit ang ilang mga kinakaharap na problema ng mga pampublikong transportasyon.