LEGAZPI CITY- Patuloy pa rin sa pinaghahanap ang mga pamilya ng dalawang aktibistang nawawala matapos itong dinukot noong buwan ng Agosto sa Tabaco City, Albay.
Kung babalikan, una ng naiulat na nawawala si James Jazmines, noong Agosto 23 matapos dumalo sa isang birthday celebration ng kaniyang kaibigan na si Felix Salaveria, Jr. sa isang restaurant sa Brgy. San Roque, Tabaco City habang noong Agosto 28 naman ang naiulat na dinukot din si Felix limang araw matapos mawala si James.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa mga anak ni Felix na sina Felicia Ferre at Gab Salaveria, blangko pa sila kung ano ang naging motibo ng pangdurukot at saan dinala ang kanilang ama.
Naging emosyunal naman ang mga ito matapos ilabas ang CCTV footage sa pagdukot sa aktibistang si Felix.
Samantala, hindi naman inaalis ng pamilya ng biktima ang posibilidad na dahilan sa mga isyu sa bansa na pinaglalaban ng mga aktibista ang rason ng pangdurukot.