LEGAZPI CITY-Patuloy na nananawagan sa pamahalaan ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Ayon kay Salvador France, tagapagsalita ng PAMALAKAYA, sa isang panayam sa Bombo Radyo Legazpi, nais nilang mapababa ang presyo ng mga produktong petrolyo upang sila ay makapagpatuloy sa paglaot, lalo na’t bumubuti na ang panahon ngayon.

Sa kabila ng kita na nasa humigit-kumulang P300 hanggang P500 lamang, mas malaki ang kinikita at mas yumayaman ang mga kartel ng petrolyo kumpara sa mga maliliit na mamimili.

Sinabi ng opisyal na lubhang malala na ang mga kinakaharap na pagsubok sa sektor ng pangingisda.

Nanawagan din sila para sa pag-aalis ng excise tax sa petrolyo at ng 10% Expanded Value-Added Tax (E-VAT) sa mga produkto.

Binigyang-diin ni France na walang nakukuhang kapalit ang mga Pilipino sa kabila ng maraming buwis na ibinabayad sa gobyerno, lalo na ng mga manggagawa sa bansa.

Aniya, ninanakaw ito ng gobyerno at halos wala nang pag-asa ang mga nagbabayad ng buwis habang hindi ito naibabalik bilang serbisyo sa mga mamamayan.

Sinabi niyang nakapag-uuwi lamang sila ng kahit P500, na hindi sapat na para sa kanilang buong pamilya.

Samantala, naaapektuhan din ng pagtaas ng presyo ang produksyon sa bansa at batay sa mga ulat, umaabot na sa 45 milyon kada taon ang nawawala sa sektor ng pangingisda.