LEGAZPI CITY – Inihayag ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas na wala namang magandang epekto sa mga maliliit na mangingisda ang pagtatapos ng closed fishing season ngayong Enero.
Kasabay din nito ang posibleng pagbaba ng presyo ng galunggong sa merkado batay sa anunsyo ni Agriculture secretary Tiu Laurel Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pando Hicap presidente ng naturang grupo ng mangingisda, tanging ang makikinabang lang dito ay ang mga traders at malalaking commercial fishing vessels.
Maliit lang kasi ang kanilang gastos kumpara sa mga ordinaryong mangingisda na kinakailangan pa na gumastos para sa gasolina na ngayon ay may pagtaas na naman.
Lalo pa’t hindi naman aniya nagbabago ang farm gate price ng galunggong naka-closed fishing season man o hindi dahil nananatiling mababa ang kuha ng mga traders na nasa P60 hanggang P70 lang ang kada kilo.
Kaya kung iisipin, hindi naman dapat nagkakaroon ng pagtaas ng presyo ng galunggong sa merkado kundi sinasamantala lang umano ng ilang traders.
Samantala, inaasahan na posibleng umabot na lang sa P130 hanggang P150 ang presyo ng galuggong mula sa kasalukuyang presyo na P240.