LEGAZPI CITY – Pagpokus sa ‘goal’ ang naging sandata ni John Mekko Payonga upang maging Top 1 sa Mining Engineers Licensure Examination.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Payonga na tubong Ligao City sa Albay, inasahan niya na mapabilang sa topnotcher dahil talagang pinaghandaan ang naturang eksaminasyon.

Una pa lang ay itinatak na sa isip na hindi lang dapat makapasa kundi maging topnotcher.

Kaya kahit hindi pa graduate sa kolehiyo ay nagsimula nang mag-review at tinalikuran ang lahat ng ‘destruction’ o mga hindi kinakailangang bagay.

Pagbabahagi ni Payonga na mahalagang mag-set ng goal para sa sarili upang nakatutok sa pag-abot ng mga hinahangad kahit mahirap.

Inspirasyon nito sa pag-abot ng pangarap ay kanyang pamilya kung saan isang magsasaka at laborer ang ama habang nagtitinda naman ang ina.

Para kay Payonga, malaking bagay na maging bahagi ng mining industry na isa sa mga naging dahilan sa pagpili ng naturang propesyon.

Sinabi nito na malaki ang potensyal ng mining industry ng Pilipinas, kaya pangarap na maging bahagi sa pagpapalago nito sa bansa.

Samantala, payo ni Payonga sa mga nagnanais na maging tulad niya na dapat mag-aral at maghanda ng mabuti at magpokus sa kung ano ang nais abutin.

Nagtapos si Payonga ng kolehiyo sa Bicol University sa lungsod ng Legazpi nito lamang Hulyo 2023.