The Sorsogon Provincial Government is ready for the influx of passengers at Matnog Port and other ports a few days before Christmas.

LEGAZPI CITY – Nakahanda na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon sa dagsaan ng mga pasahero sa Matnog Port at iba pang mga daungan ilang araw bago ang Pasko.

Ayon kay Sorsogon provincial office spokesperson Dong Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na inaasahan nila ang pagdami ng mga sasakyan sa mga susunod na oras lalo na ang mga patungo sa Visayas at Mindanao.

Aniya, kailangang planuhin nang mabuti ng mga pasahero ang kanilang mga biyahe at magbaon ng pasensya dahil sa posibilidad ng mahahabang pila lalo na’t naglabas na ng memorandum ang Malacañang tungkol sa pagsuspinde ng trabaho sa gobyerno ngayong holiday season.

Nakipag-usap na rin sila sa pamunuan ng daungan upang bantayan ang blue lane system upang maiwasan ang komosyon kung sakaling dumami ang mga pasahero habang papalapit ang kapaskuhan at bagong taon.

Hindi rin isinasantabi ng opisyal ang posibilidad na umabot sa 500 hanggang 800 sasakyan ang ba-byahe sa Matnog Port ngayong kapaskuhan at maaaring umabot sa mahigit 1,000 sasakyan kung bumuti ang kondisyon ng panahon.

Binigyang-diin ni Mendoza na mahigpit din nilang ipinapatupad ang “first come, first served basis” sa mga pila habang ipinagbabawal din sila ang singitan sa pila at pagbibigay ng pabor sa mga pasahero.