LEGAZPI CITY- Isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng Bato, Catanduanes ang muling pagbuhay sa produksyon ng asin sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bato Mayor Juan Rodulfo, nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa Department of Science and Technology (DOST) at sa ilang mga organisasyon upang maisakatuparan ang naturang plano.

Nabatid na unang naging operational ang pagawaan ng asin noong 2015 sa ilalim ng pamumuno ng dating alkalde ng bayan subalit nasira ito ng mga dumaang kalamidad sa lugar.

Kung dati ay small-scale operation lamang, plano ngayon ng alkalde na palakihin ang produksyon ng asin upang makapag supply sa buong lalawigan ng Catanduanes. Dagdag pa ng alkalde na ang mga hindi nagastos na pondo ang planong gamitin para sa naturang programa.

Ayon pa kay Mayor Rodulfo na isa sa mga binibigyang atensyon ngayon ay ang paghahanda ng mga kinakailangang kagamitan at teknolohiya, dahil dati ay mano-mano lamang ang pagtatrabaho upang makapag produce ng rock salt.

Samantala, nagkaroon na rin ng re-organization sa mga miyembro na nagparehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) dahil ang ilang orihinal na bahagi ng organisasyon ay wala na sa kasalukuyan.