LEGAZPI CITY – Pinaghahanda ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa imbestigasyon ang lahat ng umupong opisyal sa Bureau of Corrections (BuCor) hanggang sa pinakababa, mula nang pirmahan at maisabatas ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law noong 2013.
Top priority umano ng komisyon ang pagsisiyasat kung nagkaroon ng katiwalian sa BuCor na hindi lamang sa usapin ng pera kundi sa kapabayaan sa katungkulan ng mga nangasiwa.
Ayon kay PACC chairman Dante Jimenez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na malinaw ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na sino mang makagawa ng mali sa hanay ang imbestigahan at bigyan ng kaukulang rekomendasyon.
Tiniyak ni Jimenez na kahit sibak na sa pwesto si BuCor chief Nicanor Faeldon, wala pa rin itong takas sa mga kakaharaping prosesong legal.
Giit pa ng PACC chairman, hindi lamang BuCor ang pagtutuunan ng pansin kundi ang iba pang ahensyang may mga kani-kaniya ring ‘gimik’ sa katiwalian.
Samantala, hihingi naman ng transcript ang PACC sa Senate Blue Ribbon Committee hearing upang malaman kung anong aksyon pa ang susundan para sa magiging hakbang ng komisyon.