LEGAZPI CITY—Inihayag ng Department of Agriculture Bicol ang inisyal na paglulunsad ng ‘Benteng Bigas Meron Na’ para sa mga minimum wage earners sa anim na probinsya ng rehiyong Bicol.
Ayon kay Department of Agriculture Bicol Spokesperson Love Guarin, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 17,164 minimum wage earners sa Bicol ang makikinabang sa programa.
Sinabi rin ni Guarin na ang pinakahuling naglunsad ng nasabing programa ay ang lalawigan ng Masbate kung saan mayroong 31 pribadong establisyimento na sila ay lalahok dito.
Aniya, ang lalawigan ng Camarines Sur ang may pinakamarami na lalahok na aabot sa 55 pribadong establisyimento.
Habang ang mga lalawigan ng Albay at Sorsogon ay mayroong 27 pribadong establisyimento, 24 sa Camarines Norte, at 17 sa Catanduanes.
Samantala, sinabi rin ng opisyal na maraming suplay ng bigas ang nabili ng National Food Authority (NFA) mula sa mga lokal na magsasaka kaya halos lahat ng bodega ng NFA ay puno ng suplay sa kasalukuyan.