LEGAZPI CITY – Pinaplantsa na ng Provincial Government ng Albay kasama ang mga concerned agencies sa planong pag-relocate ng mga residenteng nakatira sa loob ng 6km permanent danger zone ng bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Planning and Development Office Head Arnold Onrubia, nasa P12 billion na pondo ang kinakailangan para sa pinaplanong relocation project.
Pasok sa naturang pondo ang gagastusin para sa relocation at pagbibigay ng livelihood sa mga affected household.
Nilalayon ng hakbang na wala ng lumikas na palaging nangyayari tuwing nagkakaroon ng pag-alburuto ang bulkang Mayon.
Subalit inamin ni Onrubia na hindi kakayanin ng Provincial Government ang naturang pondo kaya hiniling ang tulong ng United Nations Development Program in the Philippines kung saan ay nakatakdang magkaroon ng donors forum sa Central Office ng naturang ahensya.
Imbito rito ang ilang possible donors tulad ng Asian Development Bank, World Bank, ilang ahensya ng gobyerno at foreign embassies.
Inihayag ng opisyal na tiyak na matagal na proseso pa ang pagdadaanan subalit ang mahalaga ay nasimulan na kahit sa maliit na paraan.