LEGAZPI CITY—Nasa ilalim na ng blue alert status ang Office of Civil Defense Bicol bilang paghahanda sa mga posibleng epekto ng Typhoon Crising sa rehiyon.


Ayon kay Office of Civil Defense Bicol Spokesperson Gremil Naz, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices at iba pang response agencies sa rehiyon upang malaman ang lagay ng panahon sa kanilang mga lugar.


Nakahanda na rin aniya sila sa augmentation at deployment ng uniformed personnel mula sa regional level kung kinakailangan ng manpower ng mga lokal na pamahalaan na apektado ng masamang panahon.


Samantala, dagdag pa ni Naz, na tingnan ang mga abiso mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Offices upang maabisuhan agad ang mga nasa high-risk areas kung kinakailangan na ng paglilikas sa kanilang mga lugar.


Dagdag ng opisyal na kahit hindi direktang dadaan sa Bicol ang mata ng bagyong Crising, inaasahang magdadala ito ng mga pag-uulan sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon.


Iminungkahi ng opisyal sa publiko na palaging tingnan ang latest advisories mula sa state weather bureau para sa rainfall warning sa kani-kanilang mga lugar, gayundin ang pag-oobserba ng palagiang pag-iingat anumang oras.