LEGAZPI CITY – Pag-aaralan muna ng National Bureau of Investigation (NBI) kung may basehan para magsampa ng kaso ang reklamo sa maling post ni OWWA Deputy Administrator Mocha Uson.
Kahapon nang magtungo si Uson sa NBI upang magpaliwanag at magsumite ng screenshot ng inirereklamong post sa umano’y personal protective equipment na binili ng pamahalaan subalit nabatid na ilan sa mga larawan ay mula sa pribadong foundation.
Sinabi ni NBI Cybercrime Division chief Atty. Vic Lorenzo sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kahit humingi na ng dispensa si Uson at tinawag na “honest mistake” ang nangyari, kailangan pa rin ng assessment.
Tinitingnan sa ngayon ng NBI kung may paglabag ang OWWA official sa Bayanihan to Heal as One Act at Revised Penal Code sa ilalim ng “Unlawful Utterances”.
Samantala, dumepensa naman si Lorenzo sa mga puna at nagsasabing bias sa mga iniimbestigahan na nasesentro sa mga anti-administration.
Aniya, hindi tinitingnan ang anumang political affiliation sa mga kinakasuhan kung may nagawang paglabag sa batas.