LEGAZPI CITY – Hiling ng National Parent Teachers Association na magkaroon ng disinfection sa mga paaralan sa pagsisimula ng Christmas break ng mga estudyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay NPTA Vice-President Lito Sinieto, mula ng magsimula kasi ang pagbubukas ng klase noong Agosto at implementasyon ng full-face-to-face classes ay bibihira na lang o hindi na isinasagawa ang disinfection sa mga paaralan.
Punto ni Sinieto na mahalaga pa rin ang naturang hakbang bilang precautionary measure laban sa mga kumakalat ngayon na sakit lalo na sa mga kabataan.
Isa na rito ang patuloy na tumataas na kaso ng mga kabataan na nahahawaan ng Hand Foot and Mouth Disease (HFMD).
Ayon kay Sinieto dapat na pangunahan ng mga namamahala ng paaralan maging ng lokal na pamahalaan ang inisyatibo sa pagsasagawa ng disinfection sa mga paaralan, upang sa pagbalik ng mga mag-aaral ay walang pangamba ang mga magulang.
Samantala, nakatakdang magsimula ang Christmas break ng mga estudyante sa Disyembre 19 at babalik sa klase sa Enero 4 ng susunod na taon.