LEGAZPI CITY- Matagumpay na naharang ng mga otoridad ang nasa P6.8 million na halaga ng iligal na droga na tinangkang ipuslit sa Matnog port sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon kay Coast Guard Station Sorsogon Acting Commander Lt. Junior Grade John Paul Malaya sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na isasailalim na sa screening ang bagahe na dala ng isang pasahero ng bigla itong tumakbo ng tinangkang kausapin ng mga kinauukulan.
Dahil dito ay agad naman na ipina-check sa K9 unit ang naturang bagahe na agad naman nitong inupuan.
Kasunod nito ay mabilis na nakipag-ugnayan ang Coast Guard sa mga Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency kung saan tumambad sa kanila ang nasa isang kilong pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 million.
Ayon sa opisyal na noong nakalipas na mga linggo pa sila nakakatanggap ng ulat na maaring may upuslit na iligal na kontrabando sa pantalan kasabay ng holiday season kaya mahigpit ang kanilang ginagawang pagbabantay.
Nabatid na ito na nag ika-lawang pagkakakumpiska ng mga otoridad ng iligal na droga sa pantalan ngayong Disyembre.
Ayon kay Malaya na posibleng sinasamantala ng ilang personalidad ang holiday rush upang isagawa ang iligal na mga aktibidad.