LEGAZPI CITY – Nasa P3-million na halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa tatlong indibidwal sa isinagawang drug buy-bust operation sa Barangay Ubaliw, Polangui, Albay.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas ”Bert”, 47-anyos, alyas ”Ryan”,19-anyos at isang menor de edad na pawang mga residente ng Sitio Nazareth, Barangay San Isidro, Parañaque City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLt.Col. Edgar Azotea, hepe ng Polangui Municipal Police Station, napag-alamang ibabagsak sana ng mga susptesyado ang iligal na droga sa isang kakilala sa bayan na dating galing sa kulungan.
Subalit hindi ito nagtagumpay matapos na matiktikan ng mga awtoridad at makatransaksyon ang isang poseur buyer na pinagbentahan ng isang bungkos ng plastic na naglalaman ng shabu na may bigat na 50 grams kapalit ng P120,000.
Sa isinagawang body search, nakuha pa sa mga akusado ang nasa 300 grams ng kaparehong item na may street value na mahigit P2 million at nasa 130 grams na cocaine na may street value an P689,000.
Ayon kay Azotea, ito ang unang pagkakataon na mayroong nakumpiska ang mga otoridad na cocaine sa mga buy-bust operation sa lalawigan ng Albay.
Paliwanag ng mga suspetsyado, sinubukan lang na magdala ng cocaine sa lalawigan upang malaman kung kakagatin ng mga buyer lalo pa’t mabenta umano ang iligal na droga tuwing papalapit na ang Undas.
Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga suspetsyadop na paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.