LEGAZPI CITY- Umapela ang grupo ng mga estudyante sa Laguna na na-stranded nang magpatupad ng Enhanced Community Quarantine sa Luzon, na tulungang makauwi sa Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa kinatawan ng naturang grupo si CK Alexis Balidoy, panawagan nito sa mga lokal na pamahalaan na sunduin sa naturang lugar dahil pahirapan umano ang sitwasyon nang malayo sa pamilya.

Ayon kay Balidoy, nakipag-ugnayan na rin sila kay Albay Governor Al Francis Bichara subalit abisong maghintay na muna dahil hindi pa nareresolba ang problema sa coronavirus disease sa lalawigan.

Nabatid na nasa 1,500 na mga estudyante ng University of the Philippines sa Los BaƱos ang na-stranded at ilan sa mga ito ay residente ng iba’t ibang bayan at lungsod sa Albay.

Nananatili ang mga ito sa kanilang boarding house habang ang ilan ay nakikituloy muna sa mga kamag-anak.

Nagpaabot na rin ng tulong ang kanilang pamantasan para sa pananghalian at hapunan habang nakatanggap rin ng financial assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala, handa naman umano ang grupo na sumunod sa protocol at sumailalim sa 14-day quarantine upang payagang makabalik sa lalawigan.

CK Alexis Balidoy, student na stranded sa Laguna