LEGAZPI CITY – Suportado ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. ang isinusulong na pagpapalawig ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa ilang lugar at rekomendasyon sa Modified Community Quarantine.
Sa naturang hakbang, pag-aaralan kung tumataas pa o paunti-unti nang bumababa ang kaso ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease.
Naniniwala ang mambabatas na magiging epektibong hakbang sa pagbangon ng ekonomiya ang “selective lifting” ng community quarantine sa mga lugar na may mabababang kaso.
Subalit nilinaw ni Garbin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mananatili ang ilang restrictions sa ilalim ng tinatawag na “new normal”.
Inirerekomenda pa rin ang pagsusuot ng face masks sa mga pampublikong lugar, physical distancing hanggang 6ft, “stay at home” protocol sa nasa vulnerable sector, pagsasara ng mga malls at eskwelahan maging ang pagbabawal sa malalaking pagtitipon.
Panukala rin ang paunti-unting pagbalik ng public transportation ngunit may guidelines lang na ibaba sa kapasidad.
Kabilang sa inaasahang magbubukas ang mga manufacturing companies at proyektong imprastraktura na may multiplier effect sa ekonomiya subalit payo lang ang pagtatalaga ng barracks para sa mga trabahante.
Dahil iniiwasan ang pagpasok ng mga posibleng “virus carrier”, kailangan aniyang panatilihin ang border closure at ipatupad ang ECQ sa mga lugar kagaya ng Metro Manila, CALABARZON, Bulacan, Cebu at Davao na may matataas na kaso ng COVID-19.