LEGAZPI CITY- Nagbabala ang grupo ng mga tsuper sa Albay sa publiko na magdoble ingat sa mga namamataan na mga snatchers at mandurukot sa mga pampublikong mga sasakyan.
Ayon kay Basta Driver Safety Enforcer Chairman Ronel Nebes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na naglipana ang mga modus ng ganitong mga kawatan lalo pa’t umpisa na naman ng enrollment ng mga estudyante at marami na rin aniya ang bumibili ng mga school supplies.
Modus aniya ng mga ito ang pagsakay sa mga punong jeep at uupo sa siksik na upuan upang makapangbiktima.
Ayon kay Nebres, nagiging familiar na umano sa mga drivers ang mga mukha ng ganitong mga kawatan subalit hindi pa naman naaktuhan kaya hindi rin makapagreport sa mga otoridad.
May mga dala aniya itong malalaking folder at bag na siyang ginagamit nilang pantakip sa kamay at saka mambibiktima sa kanilang katabi.
Babala ng opisyal na doblehin ang pag-iingat upang hindi mabiktima lalo na kung may mga dala na malalaking halaga ng pera.
Mas mainam rin aniya na ilagay sa unahan ang mga bag upang mabantayan ang inyong mga kagamitan.