LEGAZPI CITY – Nakabalik na sa kani-kanilang mga bahay ang ilang mga residente na mahigit dalawang buwang nanatili sa evacuation centers dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Mayon.

Sa panayam Bombo Radyo Legazpi kay Eugene Escobar, Officer in Charge ng Albay Public Safety and Emergency Management Office, mga residente ng Barangay Tandarura at Muladbucad Grande sa bayan ng Guinobatan ang mga na-decamp na evacuees.

Inaasahang magpapatuloy ngayong araw ang decampment sa naturang mga residente na mula sa evacuation center ng Barangay Mauraro.

Nilinaw ni Escobar na nakatira sa labas ng 6km permanent danger zon ang mga nagsi-uwian na mga evacuees at lumikas lamang dahil panganib na dala ng abnormalidad ng bulkan.

Pinili ng mga ito na bumalik na sa kanya-kanyang mga bahay dahil unit-unti ng bumababa ang aktibidad ng Mayon at hindi na rin makaabala sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.

Tiniyak ni Escobar na kahit nakauwi na ang mga evacuees patuloy pa rin ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaang panlalawigan lalo na sa mga economically displaced o nasa loob ng 6km permanent danger zone ang kabuhayan.

Kabilang na rito ang pagbibigay ng food for work at cash for work habang ang Provincial Agriculture Office ay maroon ng mga binubuong programa para sa mga apektadong magsasaka.