LEGAZPI CITY-Inireklamo ng grupo ng mga residente ng Barangay Binitayan, Barangay Tagas at Barangay Maroroy sa Daraga Albay ang maingay at mabahong amoy mula sa isang Food Manufacturing Facility.
Sa isinagawang public hearing sa Daraga Municipal Court, nagsampa ng reklamo ang mga residente dahil maaapektuhan ito ng muling pagbubukas ng nasabing pabrika.
Ayon kay Legal Officer ng Daraga Office of the Mayor, Atty. Gabriel Naparato, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi nito na maaring muling magbukas ang pabrika at dapat sumunod sa mga tinutugunan na problema ng mga residente at sa sanitasyon at kondisyon sa kapaligiran.
Tinalakay din sa pagpupulong ang kompromiso na sa loob ng isang taon, dapat maghanap ng lugar na malilipatan ang pabrika para makapag-operate ito dahil ito ay nakatayo sa commercial area na dapat ay nasa industrial area.
Aniya, kailangang ilipat ang pabrika dahil lumabag ito sa zone ordinance ng lugar.
Ang reklamo ay inihain noong 2017, at batay sa Food and Drug Administration (FDA), napansin ang hindi pagsunod ng pabrika at naglabas ng kautusan para dito.
Ang isa pang kompromiso ng pabrika ay kung sila ay makapag-operate, ang kanilang business permit ay maaaring bawiin kung hindi sila makapag-comply sa orden.
Magkakaroon din aniya ng joint inspection sa lugar kung papasa ito sa standards sakaling muling magbukas.
Nagsampa rin ng reklamo ang mga residente ng nasabing barangay noong Hulyo 5 sa may-ari at iba pang ahensya noong 2020 at noong 2024 ay sinuspinde ito ng Local Government Unit.