LEGAZPI CITY- Nailibing na ang tatlong baboy na nadiskubre na palutang lutang sa karagatan na sakop ng Barangay Agojo, San Andres, Catanduanes.
Nabatid na natagpuan ang mga ito sa loob ng fish sanctuary sa lugar.
Ayon kay Kapitan Edgar Sualibio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na agad na inaksyunan ang pag-dispose ng nabubulok ng mga baboy dahil sa posibleng panganib na dala nito sa kalusugan ng mga residente na malapit sa lugar.
Duda ng opisyal na posibleng mula sa ibang lugar ang naturang mga baboy at tinangay lamang patungo sa kanilang lugar.
Aniya, posibleng ibinabiyahe ang naturang mga baboy at namatay ang mga ito kaya itinapon na lamang sa karagatan.
Samantala, sinabi ni Sualibio na pinawi naman ng municipal agriculture office ang pangamba ng publiko lalo na ng mga mangingisda sa posibleng kontaminasyon ng naturang mga baboy lalo pa at ipinangangamba na mayroong sakit na African swine fever ang naturang mga hayop.
Agad naman umanong nawawala ang virus kung matagal na itong nakababad sa tubig at hindi naman umano makakapagdala ng negatibong epekto sa mga nahuhuling isda sa lugar.