LEGAZPI CITY – Ikinabigla ng mga empleyado ng munisipyo, maging ng mismong local officials sa bayan ng Manito, Albay ang anunsyo ng pagpositibo sa coronavirus disease ni Bicol #90 na nabatid na bumisita sa lugar.
Mismong ang kapatid ng COVID-19 patient na empleyado sa municipal hall ang nagkumpirma kay Mayor Joshua Daep na inihayag naman sa regular session ng Sangguniang Bayan kahapon.
Ayon sa Department of Health (DOH) Bicol, may travel history sa Metro Manila ang pasyente na umuwi sa Legazpi City at nagpa-rapid test subalit negatibo.
Nagpasyang umuwi ito sa pamilya sa Manito upang magdiwang ng Father’s Day subalit sa pagbalik saka lamang nakuha ang resulta na swab test na positibo pala.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Municipal Councilor Marilou Dagsil, agad na ipinag-utos ni Mayor Daep ang pag-home quarantine ng mga empleyado kasama na ang mismong alkalde at pagsailalim sa rapid at swab tests.
Inatasan na ang isang team sa pag-disinfect sa mga tanggapan habang nasa quarantine facility na rin ng LGU ang nasa 13 kamag-anak ng pasyente.
Aminado si Dagsil na maging siya at ilan pang immuno-compromised na local officials ang nagkumahog na umalis at hindi na tinapos ang session.
Samantala paglilinaw nito na imbes na malagay sa diskriminasyon, ipanalangin umano na magnegatibo sa tests ang mga contacts ng pasyente upang mapanatili ang COVID-19 free status ng bayan.