LEGAZPI CITY – Mas papaigtingin pa ng Albay Provincial Health Office ang anti-rabies vaccination sa mga alagang aso at pusa sa lalawigan.
Ito ay matapos umakyat na sa apat na katao ang namatay dahil sa rabies sa lalawigan ngayon lamang na taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provincial Health Office Head Dr. Estela Zenit, karamihan sa mga naging biktima ay nakagat ng aso subalit hindi nagpabakuna laban sa rabies.
Ayon kay Zenit, kahit walang nakitang sugat o galos mahalaga pa rin na mabakunahan lalo na kung mayroong naiwan na laway ng aso o pusa.
Paliwanag nito na maryoong mga insidente na inaabot ng buwan o taon bago makitaan ng sintomas ang isang tawo na infected ng naturang virus.
Nakikipag-ugnayan na ang tanggapan sa Provincial Veterinary Office upang magbigay ng free anti-rabies vaccination sa mga alagang aso at pusa.
Inamin ng opisyal na natigil ang pagbabakuna sa naturang mga alagang hayop sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, kaya pinag-iigihan ngayon na makapagsagawa ng anti-rabies vaccination sa buong Albay.