LEGAZPI CITY- Problema ng Legazpi Public Safety Office (PSO) ang mga report kontra sa mga tricycle driver na sobra-sobra kung maningil sa mga pasahero sa panahon ng General Community Quarantine.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Legazpi PSO chief Rolly Esguerra, inulan ng mga reklamo ang kanilang hotline dahil sa mga pasaway na tricycle driver na sangkot sa “overcharging”.
Kasunod nito, nagsagawa na rin ng operasyon ang PSO kung saan ilan ang binigyan muna ng warning.
Subalit giit ng opisyal na mula ngayong araw, lahat ng irereklamo dahil sa “overcharging” ang sasampahan na ng kaukulang kaso at mabibigyan ng penalidad.
Nabatid na nasa P3,000 ang multa para sa mga mahuhuling mataas kung maningil habang dagdag na P1,000 upang mabawi ang nakumpiskang sasakyan.
Batay naman sa inilabas na executive order ni Mayor Noel Rosal, nasa P15 ang minimum na pamasahe sa unang kilometro at nasa P5 ang dagdag sa mga susunod na kilometro.