LEGAZPI CITY- Hindi nag-atubiling tumulong ang mga kapulisan ng San Andres Municipal Police Station matapos mabatid ang sitwasyon ng isang ginang na malapit ng manganak sa Barangay Datag sa naturang bayan.

Nabatid na katatapos pa lamang ng pananalasa ng super typhoon Pepito sa lalawigan ng Catanduanes ng mangyari ang insidente.

Ayon kay Patrolwoman Cahreil Ann Tabirara na nag-iikot sila malapit sa lugar ng lumapit ang isang residente upang humingi ng tulong na madala sa ospital ang ginang.

Agad naman na tumugon ang mga kapulisan ng naturang hepatura at ng madatnan ang ginang ay nakitang halos palabas na ang sanggol kaya bilang isang registered midwife at nurse ay agad na umaksyon si Patrolwoman Tabirara.

Dahil sa maagap na pag-aksyon ng mga kapulisan ay ligtas na naisilang ang isang malusog na sanggol na lalaki at nadala sa ospital.

Matatandaan na kakatapos pa lamang ng pananalasa ng sama ng panahon sa lugar kaya wala pang suplay ng kuryente ng mangyari ang insidente at halos nagsisimula pa lamang ang pagbangon ng mga mamamayan mula sa pinsala ng naturang kalamidad.

Samantala, malaki naman ang pasasalamat ng naturang ginang sa tulong ng mga kinauukulan.