LEGAZPI CITY – Inihayag ng isang transport group na maraming jeepney operator at driver ang biglang nais bawiin ang kanilang prangkisa mula sa pagkaka-consolidate sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Ito ay sa kabila ng papalapit na deadline ng jeepney consolidation sa darating na Abril 30.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PISTON President Mody Floranda, baliktad na ang nangyayari ngayon dahil halos wala ng gustong magpa-consolidate na mga driver at operator ng pampublikong transportasyon.
Aniya, isa sa pinakadahilan ng pagkalas ng iilan sa consolidation ay ang kawalan ng kita.
Binigyang diin ni Floranda na kung dati ay kumikita pa ng P1,000 sa isang araw ngayon ay halos wala ng maiuwi sa pamilya at hindi na rin kayang pag-aralin ang anak.
Sinabi pa nito na kabaliktaran ang nangyayari sa pangako ng gobyerno sa mga makukuhang benepisyo at kita ng mga operator at driver oras na pumasok sa kooperatiba at korporasyon.
Dulot nito ay nakatakdang magsagawa ng iba’t-ibang aktibidad ang ilang transport group sa buong bansa upang ipanawagan ang pagbasura sa jeepney consolidation.