shooting incident in Guinobatan, ALbay

LEGAZPI CITY—Kinumpirma ng mga awtoridad na mayroon na silang dalawang persons of interest sa pananambang sa media man na si Noel Samar.


Matatandaang pinagbabaril si Samar habang sakay ng kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Morera, Guinobatan, Albay noong Lunes, ika-20 ng Oktubre 2025.


Ayon kay Presidential Task Force on Media Security Director Jose Torres Jr., sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mayroon nang cartographic sketch ang isa sa mga person of interest na inilabas ng Philippine National Police.


Dagdag ng opisyal na natukoy ang persons of interest sa pamamagitan ng kanilang back tracking at forward tracking sa mga CCTV footages na nakuha ng mga kapulisan.


Aniya na maliban sa politika, trabaho at illegal gambling, tinitingnan din nila ang ibang anggulo katulad ng may kinalaman sa kanyang personal na buhay.


Nagpapatuloy umano ang paghahanap ng mga kapulisan sa mga persons of interest sa pananambang kay Samar.


Samantala, nanawagan ang opisyal sa mga kaibigan o kapwa media practitioner ni Samar at maging sa publiko na maaari silang dumulog sa mga awtoridad kung mayroon silang impormasyon sa naturang pamamaril.